Mensahe Bago Mag-Araw Ng Mga Puso

Pebrero na naman at marami na namang nagsasabi na “nasa hangin ang amoy ng pag-ibig”. Kaya nga lang, wala akong ibang naamoy kundi ang nasusunog na gulong sa bakuran ng aking kapit-bahay at ang alimuyak ng barbecue na naggagaling sa aking kusina. Maari niyong sabihin na isa akong nag-iisa at inggitin na kumag, pero hindi iyan and dapat nating pag-usapan.

Isinulat ko ang artikulong ito bilang isang serbisyong pampubliko para sa lahat ng mga nagmamahalan. Kasama din dito ang mga taong matagal na rin nagmamahalan dahil kahit kayo ay puwedeng magkaroon ng mga anak na magtatanong din kung ano nga ba ang “pag-ibig”. Kung hindi pa ito halata sa ngayon, hindi ito tungkol sa pag-ibig ng pamilya o ang pag-ibig ng pagkakaibigan, ito ay tungkol sa pag-ibig na romantiko, yung tipong pag-ibig na lagi na lang isinusubsob sa mga mukha natin ng ating media sa lahat ng pagkakataon na makuha nito. Subukan mo lang manood ng kahit anong palabas na hindi balita o game show at makikita niyo kaagad ang gusto kong sabihin.

valentines_dayAng mga teleserye at mga awitin natin ay pinagpipilitan na kung wala kang minamahal sa buhay ay napaka wala mong kuwenta at napakalungkot mong tao kung hindi ka nakikipag mahalan sa iba.  Maslalo na kung ikaw ay isang babae. Hindi ipinipanta sa magandang paraan ang mga babaeng nasa tamang edad pero wala pang asawa o anak. Bago ako magpatuloy, gusto kong sabihin na pag ikaw ang tipong tao na naniniwala sa mga payo ng pag-ibig ng mga teleserye at mga lokal na awiting pag-ibig, kailangan mo ng ilabas ang ulo mo sa iyong puwitan. Kailangan mo ng magising sa realidad at isantabi muna ang mga teleserye at mga awiting pag-ibig. Saka ka na ulit manood ng teleserye o makinig sa awiting pag-ibig, sa ngayon, kailangan mong harapin ang katotohanan.

SUPPORT INDEPENDENT SOCIAL COMMENTARY!
Subscribe to our Substack community GRP Insider to receive by email our in-depth free weekly newsletter. Opt into a paid subscription and you'll get premium insider briefs and insights from us.
Subscribe to our Substack newsletter, GRP Insider!
Learn more

Ngayon, hindi ako eksperto sa pag-ibig at kaya ko itong aminin sa aking sarili ngunti marami na akong obserbasyon na nakatulong sa aking makaisip ng mga solidong konklusyon na puwedeng maging magandang gabay. Ngayon, hindi siguro ito perpekto ngunit makapagbibigay ito ng magandang ideya kung ano ang madalas na nangyayari. At bago ko ito ituloy, kailangan kong ilinaw na hindi lamang ito payo tungkol sa pag-ibig kundi payo sa tunay na buhay.

Pag-ibig=Pagtatalik=Bata

Kalimutan mo muna ang E=mc^2 ni Einstein. Sa ngayon, kung ikaw ay umiibig kailangan mong tandaan ang pormula na ito. Para sa’yo, uulitin ko siya: Pag-ibig=Pagtatalik=Bata.

Lahat ng pag-ibig na romantiko ay patungo sa pagtatalik, iyan ay katotohanan sa buhay. Huwag mo ng pansinin ang mga ipinipilit ng mga teleserye sa’yo. Pag nakatingin ang karakter na ginaganapan ni Coco Martin sa isa pang karakter na babae, asahan mo na pagtatalik ang nasa kanyang isip. Ngayon, hindi naman siguro iyon ang nag-iisang bagay sa kanyang pag-iisip ngunit malamang nandoon pa rin iyon.

Lalake din ako, para sa inyong kaalaman at sa kahit anong romantikong relasyon ay hindi mawawala ang kagustuhan naming makipagtalik. Marami din sa aming mga lalake ang kayang maghintay. Kaya namin maghintay para lumago ang isang pagsasama pero, sa bandang huli, hindi lang namin gusto makipag-sex, kundi kailangan namin ito. Bilang mga lalake, kasama na ito sa aming mga pagkatao at hindi ibig sabihin nito ay mga manyakis na kami. Isa itong pangangailangan ng katawan, tulad na rin ng pangangailangan namin ng hangin, tubig at pagkain at ito ay katotohanan na hindi puwedeng itanggi ninuman. Ngayon sa palagay ko pagtatakpan na naman ito ng media at magpapakita ng mga Marty Stu na bida sa mga palabas nila pero hindi mawawala ang realidad na gustong makipag-talik ng isang lalake sa kung sinuman ang pipiliin niyang mahalin.

Ngayon, susunod natin pag-uusapan kung ano ang binubunga ng pagtatalik: mga bata. Kapag sinabi ng isang lalake sa isang babae na: “kailangan mong patunayan na mahal mo ako” o “kailangan hindi natin ito makalimutan”, pag-isipan niyo muna sana ng mabuti ang susunod na gagawin niyo. Sinasabi ko lang ito dahil malaki ang posibilidad na magka-anak ka kung bibigay ka.

Ngayon, tunay nga naman na regalo ng diyos ang mga bata ngunit dapat talagang planuhin ang pagdating nila sa mga buhay natin. Kung gusto niyo talagang magka-anak, ito ang mga kailangan niyong pag-isipan:

  1. Kaya niyo ba silang suportahan?
  2. Kaya niyo ba silang patnubayan sa kanilang paglaki?
  3. Kaya niyo ba silang palakihin bilang mga produktibong mamamayan?
  4. Kaya niyo ba silang mahalin kahit maging anuman sila sa kanilang paglaki?

Kung ang sagot niyo ay hindi sa kahit anong dalawa sa mga katanungan dito, hindi sigurong mainam na magka-anak ka ngayon. Ngayon, kung gusto mo naman ng sex pero ayaw mong mag-alala ukol sa mga anak, heto ang puwede mong gawin, nilakihan ko na ang titik at bi-nold ko pa para sa’yo:

  • GUMAMIT NG CONDOM
  • GUMAMIT NG PILLS
  • MAGPA-LIGATE

TANDAAN: Ang unang dalawa ay matatagpuan sa mga lokal na botika at mabibili sa mababang halaga. Ang pangatlo naman ay maari mong ipagawa kung wala ka talagang balak na magka-anak sa mga susunod na taon.

Ang Tunay na Pag-Ibig ay Tungkol sa Pagtitiwala at Hindi ang Pride

Hindi na mahalaga kung sino ang pinakamaganda o kung sino ang may pinakamalalim na bulsa. Ang pag-ibig ay nakabase sa pagtitiwala. Tulad ito ng pagkakaibigan ngunit masmalalim pa talaga ito. Meron ka bang mga kaibigan na kahit hindi kayo mag-usap e nagkaka-intindihan kayo? Parang ganoon din siya pero mas malalim pa at dumarating sa punto na kahit hindi na kayo nag-uusap e napaparating niyo pa rin ang damdamin niyo sa isa’t-isa. Hindi siya “telapathy” (pero hindi ko rin ito kokontrahin) kundi parang chemistry na maikokompara mo kung papaano o kumilos ang molecules ng tubig na magkakasama o kung paano umiikot ang isang planeta sa isang bituin na hindi sila nagkakabanggaan.

Kailangan ko rinng ilinaw na walang kinalaman ang tunay na pag-ibig sa pride o kayabangan. Hindi ito tungkol sa babaeng kamukha ni Angelina Jolie o ang lalakeng kasing-yaman ni Bill Gates. Kung wala ka rin namang tiwala sa mga taong ganito, hindi ko puwedeng tawaging “tunay” ang pagmamahalan ninyo at magtatagal lang iyan kung hanggang kailan niyo kayang makipag-lokohan sa isa’t-isa. Hindi kita huhusgaan sa kung sinuman ang pinili mo dahil meron ka naman sigurong magandang dahilan. Pero hindi pa rin puwedeng tawaging “pag-ibig” kung anong meron kayo kung ito ay isa lamang pagkukunwari.

Ang pag-ibig ay tungkol sa pagtitiwala, sa pagkilala sa isang tao hanggang sa kaibuturan ng kanyang puso. Ito ay ang pagtingin sa minamahal mo, kung ano ang nakikita mong mali sa kanya at ang pagmahal mo sa kanyang kabuoan. Hindi niyo kailangan maging perpekto kundi ang pagiging perpekto ng pagsasama ninyo. Ang pagiging maganda o mayaman ay isa lamang “bonus” sa relasyon kaya huwag ito ang gawing basehan ng pagmamahalan. Maganda man sila sa isang relasyon, hindi sila ang nagpapatagal sa isang pagmamahalan. Lahat tayo ay tumatanda at pumapangit at lahat ng yaman ay nawawala din.

Ang Tunay na Pag-ibig ay Kayang Maghintay

Hindi nabubuo ang pag-ibig sa isang iglap at hindi ito lumalago sa isang gabi lamang. Hindi ako naniniwala sa “love at first sight” dahil hindi sa ganoong paraan gumagana ang mundo. Ang pag-ibig ay nangagailangan ng mahabang panahon upang mabuo sa gitna na dalawang tao. Hindi ito nangyayari sa simpleng pag-titig ng iyong mga mata sa isang tao at maslalong hindi ito namumuo pagkatapos ng isang gabi ng mahalay na pagtatalik.

Maari kang makakilala ng tao na masasabi mong gusto mo pero simpleng “chemistry” lang iyan at hindi pa pag-ibig. Malamang naisip mo lang na ang taong tinitignan mo ay ang taong gusto mong makasama mo sa buhay. Pero, sa bandang huli, isa lamang iyong potensyal o posibilidad. Kung hindi ka kikilos, wala rin itong patutunguhan.

Pero, tulad din sa aking mga sinasabi, ang tunay na pag-ibig ay nangangailangan ng oras para mabuo at mamunga. Hindi lang ito base sa sex. Kailangan nga, dapat niyong isinasantabi ang sex para alam niyo kung may pasensya at pagtitiwala talaga kayo sa isa’t-isa. Walang ibang nagpapatunay sa pag-ibig kundi ang mahabang pasensya sa pagpapalago ng isang pag-iibigan.

Sana nakatulong ito para sa mga nagmamahalan ngayong Araw ng mga Puso.

Sa pagdating ng Pebrero 14, magtatago ako sa aking nuclear bomb shelter. Kung may mensahe kayong gustong ipa-rating sa askin, ipadala niyo sana ito bago sa nakatakdang date. Salamat.

NOTE IN ENGLISH:
If you wish to read a translation of this article in English, please click here. I only wrote this in native Tagalog so our less informed readers can read and understand this very important message.

 

One Reply to “Mensahe Bago Mag-Araw Ng Mga Puso”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.